top of page

Mga tulang hindi ko naipadala...

I.

Kung dadating man ang oras na mawawala tayo sa mundo ng isa't-isa,

Sana'y maalala mo ang mga sulat na aking inilathala,

Ang bawat letra na nagmula sa kaibuturan ng kalooban,

Kung hindi man tayo magkikita,

Tandaan mo, minahal kita.

II.

Hayaan mong tumatak ang bawat letra kahit may hapdi na kasama,

Minsan sa kakapilit itago ang damdaming ilalathala,

Lalo siyang lumalabas sa pamamagitan ng ating mga tula,

Hayaan mong sumugat muna ang mga letra,

Hanggang sa panahon na hindi ka na duguan.


III.

Minsan, may mga luha tayong kinakatakutan pumatak,

Na para bang kapag bumuhos,

Walang makakaintindi kung gaano na kabigat.


Pilitin man natin sabihin sa ating mga mata,

Patuloy parin ang pagsalo ng ating mga unan.


IV.

igilan mong sanayin ang sarili mo,

Huwag kang pakampante sa kung ano kayo ngayon,

Iwasan mong durugin ang puso mo,

Minsan ang nakasanayan ang mas mananakit sayo.

V.

Hintayin mo siya,

Sa kabila ng mga hindi natupad na plano,

Mga pangakong nagsisimulang mapako,

Hintayin mo parin siya.

Minsan ang nagmamahal,

Kailangan hintayin ang takbo ng orasan.


VI.

Piliin mo ang magmahal,

Kahit walang kasiguraduhan,

Piliin mo ang umibig,

Kahit hindi alam saan kakapit.


VII.

Hindi nila hawak ang desisyon sa katawan mo,

Ikaw lamang ang makakapagbigay permiso,

Walang mali sa kung ano ang suot mo,

Mali lang kung paano mag-isip ang ibang tao.

VIII.

Magtiis ka,

Kung traffic nga sa EDSA kaya mong tiyagain,

Tiisin mo rin siyang hintayin,

Tutal kasalanan mo naman bakit siya umalis.


IX.

Wag kang makakalimot,

Kahit ikaw na lang makaalala,

Itatak mo parin sa utak mo,

Kahit ikaw na lang magpaalala.

X.

Nagbago na ang ikot ng mundo,

Nawala na ang kislap ng mga mata mo,

Hindi na kagaya noon,

Wala nang kasiguraduhan ang pag-ibig mo.


XI.

Dapat pa bang ipaglaban ang pag-ibig na nasa gitna,

Nasa gitna ng malabo at malinaw,

Nasa gitna ng meron pa at wala na.


XII.

Ang sarap mangarap ng una't huli,

Na ang bawat pangarap bubuuin,

Kahit may marka ng kahibangan,

Ang sarap nung inakalang ikaw na.

XIII.

Kung nalaman na pareho ang inikot ng mundo,

Na parehong nagpahalaga sa bawat segundo,

Kung hindi sana natakot sa kung anong totoo,

Sana'y nakabuo ng ibang mga pangako.

XIV.

Minahal mo kasi yung dapat minumura lang,

Ginawa mong mundo yung dapat tao lang,

Kaya nang magising ka sa panaginip na dala niya,

Nakalimutan mo na ang pakiramdam na mag-isa.


XV.

Umasa ka kasi,

Umasa ka sa mga ngiti niya,

Umasa ka sa mga umaga na makakasama siya,

Nakalimutan mong sa gabi,

Sa iba na siya tatabi.


XVI.

Ilang buwan na lang ang bibilangin,

Ilang alaala na lang ang bubuuin,

Nalalapit na ang oras ng paglisan,

Kaya magsimula ka nang magpaalam.

XVII.

Wag mo siyang babalewalain,

Pahalagahan mo habang nandyan pa,

Minsan dahil sa pagiging kampante natin,

Nakakalimutan natin na nasasaktan sila


XVIII.

Kung dadating man ang kinakatakutan,

Kapag mas matimbang na ang sakit sa saya,

Ipunin mo ang lahat ng tapang,

Para magawa mo siyang bitawan.


XVIX.

Hindi natin hawak ang takbo ng orasan,

Minsan mali pa kaya tayo nasasaktan,

Malay mo kapag tama na ang panahon,

Kung pagtatagpuin kayo,

Yun na talaga ang oras para sumubok.

XX.

Wag mong isipin na di ka makakausad,

Lahat naman masakit sa umpisa,

Ngayon lang yan masakit,

Bukas maharot ka na ulit.

XXI.

Kapag nakita mo na siya,

Yung taong matagal mo nang hinahanap,

Yung taong matagal mong hinintay,

Magsabi ka lang,

Papalayain kita.


XXII.

Wala ka namang kasalanan,

Nagmahal ka lang naman,

Kaso ang masaklap na katotohanan,

Ang nagmamahal,

Madalas napaparusahan.


XXIII.

Hindi ako nawala,

Lagi parin akong nakagabay,

Hindi nga lang tulad noon,

Nakatingin na lang ako mula sa malayo.


XXIV.

Sa ngayon hahayaan muna kita,

Papabayaan kitang maglakad,

Kapag nahanap mo na ang sarili,

Hanapin mo ako uli.


XXV.

Ipakalat natin ang kaligayahan,

Damhin ang nakaraan,

Itatak ang naging pagod,

Maraming bida ang kontraktwalisasyon.

XXVI.

Buti pa sila,

Kaya nilang magkunwari,

Kaya nilang ngumiti,

Nakalimutan ko na kasi.


XXVII.

Paano na lang kung isang araw, magbago ang lahat?

Ang mundo, ang bansa. Ang ating kuwentong nasulat.

Ano ang gagawin natin? Anong gagawin ko?

Lalabanan natin o susuko na lang tayo?


XXVIII.

Kumapit ka pa,

Hindi pa tapos ang laban,

Konting tiis pa,

Mararamdaman mo uli ang saya.


XXIX.

Buuin mo muna ang sarili mo,

Ibalik mo ang mga ngiti mo,

Hanapin mo ang tawang nawala,

Saka ka uli magsimulang magmahal.


XXX.

Managinip ka lang ngayong gabi,

Hahaplusin ko ang buhok mo,

Tatabihan kita sa paghimbing,

Magbabantay parin ako,

Hanggang sa mapanatag ang loob mo.


XXXI.

Kahibangan bang matatawag yun?

Na hindi ako sumusuko,

Na hindi ako tumitigil,

Na mayroon paring pagbabakasakali,

Tanga na bang matatawag ang sarili,

Kung nagmamahal ako nang nakapikit?


XXXII.

Nakalimutan kasi natin ang pinakamahalaga,

Ang sandata ng pag-ibig ng nakakatanda,

Na ang mga bagay na nagugusot,

Inaayos at hindi tinatapon.


XXXIII.

Hindi ka bunga ng pamahalaan,

Bunga ka ng iyong bayan,

Tandaan mo kung sino ka,

Hindi kung para kanino ka dapat.


XXXIV.

Ilalathala ko nang paulit-ulit,

Kahit wala ka pa sa aking tabi,

Babalik ako kung saan nagsimula,

Kung saan kita unang nasilayan.

XXXV.

Hindi ako sigurado kung alin ang mas malungkot,

Ang nagmahal nang walang sigurado?

Ang lumaban kahit siguradong talo?

O ang walang simula pero natapos?

XXXVI.

Lalakarin ko ang kalsada ng ating mga alaala,

Pipikit at dadamhin ang tunog ng mga tawanan,

Babaybayin kong muli ang tanan ng ating pag-ibig,

Itatatak ang mga segundong nanatili kang akin.


XXXVII.

Hahabulin ang papel na magdidikta,

Kung magtatagumpay sa buhay,

O kung magiging talunan.


XXXVIII.

Madalas kong nalilimot ang sarili,

Pinipili na unahin ang iba,

Kahit sa dulo ako ang naiipit,

Kaya ngayon, ako muna.


XXXIX.

Sino nga ba ang may sala?

Kung nalilimot na ang identidad?

Ang mga kabataan nga ba ng ngayon?

O ang mga bumago sa takbo ng panahon?


XL.

Hindi pa dito nagtatapos ang kwento,

Nasa unang kabanata palang ang mata mo,

Hangga't hindi pa masaya ang kinakalabasan,

Ilipat mo lang nang ilipat ang pahina.

XLI.

Mamili ka sa kanila,

Hindi tao ang kinokolekta,

Kundi mga alaala,

Kaya wag kang paasa.


XLII.

Hayaan mong dalhin ka ng hangin,

Magtiwala ka sa kung saan ka dadating,

Pumikit ka at damhin ang langit,

Kung san ka dapat, doon ka dadalhin.

XLIII.

Minsan akong naglakad sa pampang ng aking mga alaala,

Bawat hampas ng hangin ay dinadama,

Naging musika na ang tunog ng mga alon,

Binalot ang sarili sa musika ng kahapon.


XLIV.

May mga araw na tumitingin na lang ako sa mga alapaap,

Bawat nabubuong larawan ay may planong kinakatawan,

May mga pangarap na isinulat na lamang sa kalangitan,

Mga pangakong pipilitin pangatawanan.

XLV.

Tinanaw ko ito mula nang aking kabataan,

Sabay ng pagbabago ay aking pagtanda,

Ngunit may mga alaala na hindi maaaring dalhin,

May mga lugar na kakailanganin nang lisanin.


XLVI.

May mga sandaling hindi natin maibabalik,

Mga tawanang isang beses lang maririnig,

Minsan kasi kahit pilitin nating ulitin,

Hindi parin magagaya kung paano tayo noon ngumiti.

XLVII.

Hindi ka papausarin ng mga alaala,

Pilit kang hahatakin pabalik,

Kahit anong subok kumawala,

Mararamdaman mo parin ang sakit.

XLVIII.

Saan nga ba nasusukat ang tagumpay?

Dala ba ito ng mga medalya,

O dala ba ito ng kaligayahan?



0 views0 comments

Recent Posts

See All
Post: Blog2_Post
bottom of page