Hindi alam kung tama ang ginagawa
Hindi alam kung nagpapakatanga sa nakaraan
Hindi alam kung ano ang dapat maramdaman
At hindi alam kung totoo ang mga nararamdaman
Natatakot na baka ang mga ginagawa ay dulot ng kahibangan
Nabulag sa isang kinabukasang hindi tiyak kung makakamtan
Walang kasiguraduhan kung tama ang ipinaglalaban
Dinadagsa ng mga pag-aagam
Pag-aagam na sa tuwing bumubisita'y kulubot sa mukhang hindi maipinta ang inihahatid
O kaya naman isang mukhang parang tabularasang hindi pa batid ang kasalukuyan
Nag aabang ang mga pinturang hindi pa mapigilan
Sa sobrang dami'y hindi ata kakayanin
Kumapit nang maigi sa panahong may bumabagabag sa sarili
Hindi maikakaila sa mga mata ang mga alaalang ayaw mawala
Ngunit nababagabag sa kakayahan ng isip na umalala
Pananatili ng mga piraso'y walang kasiguraduhan
Sa bawat araw na lumipas ay tinataksil ng utak na nakalilimot
Subalit kahit anong gawin ng utak ay nakaaalala ang puso
Mga damdaming hinding hindi mananakaw ng kahit na sino
Sa t'wing dumadaan sa isip ang nangyari sa nakaraan
Kaba, tuwa, sakit, at gulat ang nararamdaman
Kasama ng kagustuhang kumapit na unti-unting natitibag
Nababalot ng takot na ang sinulid na kinakapita'y tuluyang mapigtal
Dulot ng realidad na patuloy na sumasampal "Hindi ko pa rin alam."