top of page

Kung sakali...

Kung sakaling magising ka sa isang umaga,

At hindi na ang mga mata ko ang una mong hinahanap,

Hindi na ang boses ko ang gusto mong masagap,

Ipaalala mo sa sarili mo ang ating unang araw.


Ipaalala mo kung paano ko napakalma ang puso mo,

Kung paanong ang minsang unos sa dibdib mo,

Ay napakalma ng mga haplos ko,

Ipaalala mo kung anong naging lugar ko.


Kung sakaling gumising ka na hindi na pangalan ko ang tinitibok niyan,

At tila mga bulong na lamang ng mga alaala ang natira,

Yakapin mo ang iyong mga unan at damhin mo ang aking mga luha,

Damhin mo ang bawat patak na sisimbulo sa aking mga letra.


Ipaalala mo kung anong epekto ng pagsambit mo ng pangalan ko,

Kung paanong umiikot ang mga tala sa paligid mo,

Isulat mo ang bawat katagang nanggaling sa bibig ko,

At hayaan mong tumatak ang pluma ng damdamin ko.


Kung sakali mang makalimutan mo kung sino ako,

Kung ano ang naging bahagi ko sa dibdib mo,

Kung paano ko minsang napagaan ang mundo,

Ipaalala mo lang ako sa sarili mo.


Ipaalala mo na minsan kong napangiti ang mga labi mo,

Na minsan kong nabuo ang nadurog mong puso,

Kung sakali man na mapagod ako,

Ipaalala mo lang sa sarili mo kung nasaan ako sayo.

0 views0 comments

Recent Posts

See All
Post: Blog2_Post
bottom of page