top of page

Kapag pwede na...

Kung bibilangin ko sa daliri ko ang mga dahilan,

Mga dahilan para sumuko ka na sa ugali ko,

Lalagpas sa mga paa ko,

Sa dami ng beses na tinaboy kita palayo.


Kung maghahanap ako ng mga dahilan,

Mga dahilan para masabing wag akong sukuan,

Siguro'y aabot na sa langit ang listahan,

Pero hindi parin magiging sapat.


Sa dami kasi ng mga bagay na ginawa mo para sakin,

Paulit-ulit kong pinamukha sayo ang aking paningin,

Na para sa akin isa ka lamang sa mga taong mahalaga,

Mahalaga lang pero hindi kayang maging mahal.


Tama, mahalaga ka lang, kaya dapat hindi pansinin ang sinisigaw ng damdamin,

Na isang maling galaw, maaari tayong tangayin ng hangin,

Mahalaga ka lang dapat, at dun ka lang dapat manatili,

Hindi ka na dun pwede pang humigit.


Pero bakit ganun?

Bakit sa dami ng beses na ika'y pinalayo?

Bakit sa dami ng lalaking hinarap ko sayo?

Bakit sa dami ng tanong na hindi ko sinagot?

Bakit ka nananatili sa tabi ko?


Bakit ako? Bakit sa akin? Bakit sa tayo?

Bakit sa taong hindi makita ang halaga mo?

Bakit sa taong laging nananakit sayo?

Mahal, bakit sa akin? Bakit ako?


Paulit-ulit na kitang sinaktan,

Paulit-ulit ko nang ipinamukha sayo na ayaw ko nga,

Ilang beses ka nang umiyak,

Pero nandyan ka parin, nanatili ka parin.


Natatakot ako mahal, kasi unti-unti minamahal na rin kita,

Pero unti-unti rin akong nilalamon ng kalawakan,

Kaya kung kaya mo pang maghintay,

Kapag dumating yung araw na pwede na,

Mahal, sana pwede pa.

1 view0 comments

Recent Posts

See All
Post: Blog2_Post
bottom of page